Binalaan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang publiko laban sa mga pekeng text messages na nagsasabing nag-violate ito sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) at nangangailangang ayusin sa pamamagitan ng isang website link.
Payo ng DICT na balewalain ang mga ganitong text message dahil suspendido umano ang pagpapatupad ng NCAP simula taong 2022 ayon sa Metro Manila Development Authority.
Dahil dito, naglabas ng gabay ang DICT para maiwasang mabiktima ng cyber attacks at iba pang online scams.
1. Huwag pansinin ang suspicious at malicious na text messages.
2. I-check kung sino ang nagpadala ng mensahe at i-verify ang impormasyon sa official social media accounts at website ng concerned government agencies.
3. Huwag pindutin ang website links na may suspicious text message upang makaiwas sa pagbibigay ng sensitibong impormasyon.
4. Paganahin ang multi-factor authentication para mas mapalakas ang seguridad ng iyong accounts.
Maaari din daw i-report ng publiko ang cyber attacks at online scams sa pamamagitan ng pagtawag sa 1326, ang Inter-agency Response Center hotline ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na parte pa rin ng DICT.