Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Cybersecurity sa publiko laban sa scam na kilala bilang hijack profile scam o social media account takeover.
Ayon sa ahensiya, sa hijack profile scam, ninanakaw ng cybercriminals ang isang social media account saka gagamitin ito para magpanggap na account holder saka makikipag-ugnayan sa contacts ng may-ari sa pamamagitan ng pagpapanggap na nagigipit saka manghihingi ng pinansiyal na tulong.
Ginagawa ito ng fraudster sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan tulad ng social engineering, hacking at phishing para makuha ang access sa profile.
Nagbabala din ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko laban sa reward scams at hinimok ang lahat na iwasang mag-click ng kahina-hinalang links.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander K. Ramos, kabilang sa ginagamit na domain ay ang globeeph.top para mambiktima ng vulnerable customers.
Sa oras na ma-click ang naturang domain, nirerequire ang biktima na magbigay ng personal details at bank account number para ma-redeem ang kanilang points.