Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang pagpapatupad ng buong National Fiber Backbone (NFB) project upang mapalawak ang access sa libreng Wi-Fi para sa publiko, na makakatulong sa mas maraming tao sa buong bansa na makakonekta sa internet.
Ayon kay Gatchalian, mahalaga na mabilis na maimplementa ang proyekto upang masiguro na lahat ng ng Pilipino ay makakaranas ng maaasahang internet, lalo na sa mga malalayong lugar at mga komunidad na kulang sa serbisyo.
Ipinunto pa ng senador na ang maaasahang internet access ay hindi na dapat ituring na luho kundi isang mahalagang serbisyo para sa patas na access sa edukasyon, trabaho, at mga serbisyo publiko.
“Sa kasalukuyan, umaasa ang gobyerno sa mga third party provider para magbigay ng internet access sa iba’t ibang proyekto ng DICT tulad ng government network project at free public internet access project. Ngunit kapag ganap nang natapos at na-maintain nang tama ang national fiber backbone, hindi na kailangang umasa ang gobyerno sa mga panlabas na provider. Ito ay magdudulot ng mas maaasahan, secure, at mas malawak na free Wi-Fi dahil ang imprastruktura ay pag-aari at pinangangasiwaan na ng gobyerno, na magtitiyak ng mas malawak na access para sa lahat,” dagdag niya.
Ang National Fiber Backbone project, na isang pangunahing bahagi ng National Broadband Program na ipinatutupad ng DICT, ay kinabibilangan ng paghahanda ng humigit-kumulang 6,275 kilometro ng fiber optic cable, kabilang ang submarine cables at microwave radio links. Ang Phase 1 ng proyekto ay inilunsad noong Abril ngayong taon, habang ang Phases 2 at 3, na sumasaklaw sa Hilagang Luzon hanggang Bicol at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, ay isinasagawa at inaasahang matatapos sa unang bahagi ng susunod na taon. Ang Phases 4 at 5, sa ilalim ng Philippine Digital Infrastructure Program, ay magpapalawak ng koneksyon sa buong Visayas at Mindanao habang ang Phase 6 ay makakarating sa mga pinaka-liblib na probinsya.