Iniimbestigahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang lawak ng panibagong data breach target ang Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay DICT ASec. Renato Paraiso, kanila ng kinukumpirma ang dami ng datos na na-leak subalit ipinunto na sa kanilang initial findings na napag-alaman na naapektuhan ang reporting system ng BOC sa digital attack.
Ang reporting system ay nagsisilbing communication line sa mga BOC units at data na posibleng nakompormiso kabilang ang impormasyon kaugnay sa cargo movement na binabantayan ng ahensiya ng gobyerno.
Sinabi din ng DICT official na mayroon pa ring access ang BOC sa kanilang network sa kabila ng digital attack at naihiwalay na at nasimulan na ang imbestigasyon sa infected systems.
Paliwanag din nito na hindi encryption ang nangyari kundi infiltration ng sistema.
Una rito, base sa cybersecurity group na Deep Web Konek, aabot sa 4.5-gigabyte ang dami ng data ng BOC na nakompormiso ng hackers na tinukoy ang kanilang sarili bilang DeathNote Hackers PH, Philippine Hacking University at Excommunicado.
Kasama sa naturang data na nakompormiso ang personal information ng mahigit 2,200 empleyado at 80,000 customer base sa findings ng Deep Web Konek.
Kaugnay nito, ibinabala ng grupo na hindi lamang nakakasira sa integridad ng data infrastructure ng ahensiya ang hindi awtorisadong access kundi isinisiwalat din nito ang vulnerability ng sistema sa loob ng cybersecurity framework nito.