Nakatakdang ipresenta ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Commission on Election (Comelec) ang alternatibong poll system para sa next elections.
Sinabi ni DICT Secretary Eliseo Rio, sa katapusan ng Hunyo ay maaaring ilatag nila sa Comelec at sa publiko ang alternatibong sistema na maaaring magamit sa 2022 presidential elections.
Ang nasabing plano ni Rio ay matapos na magpanukala si Pangulong Rodrigo Duterte sa Comelec na alisin na ang paggamit ng Smartmatic.
Inamin naman ni Rio na sinabihan siya ng Pangulong Duterte noong ito ay nasa Japan na maglatag din ng panukala.
Ayon naman kay Rio isang hybrid type ang alternatibo na kanilang ipapakilala sa Comelec.
Ang kalihim ay kabilang sa humarap kahapon sa isinagawang joint Congressional inquiry ukol sa nakalipas na halalan.