Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology ukol sa mga scammer na maaaring gumamit ng mga ninakaw at preregistered na SIM card sa panlilinlang at pangbibiktima.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology Undersecretary Anna Mae Lamentillo, may mga report umano silang natatanggap na nagbebenta ng stolen SIM cards or preregistered SIM cards.
Aniya, ito ay ipinagbabawal ng batas at may parusang hindi lamang multa kundi pati na rin pagkakulong.
Sa pagpapatupad ng mandatory registration ng mga SIM card, ipinunto ni Lamentillo na ang mga manloloko ay maaaring maghanap ng iba pang paraan upang mapanatili ang mga scam.
Pinayuhan niya ang publiko na agad na mag-ulat sa kanilang mga telecommunication provider kung ninakaw ang kanilang mga SIM card dahil maaaring gamitin ng mga scammer ang kanilang pagkakakilanlan sa mga ilegal na aktibidad.
Idinagdag ni Lamentillo na ang mga scammer ay maaari ding gumamit ng “spoofing” kung saan maaari silang magkaila sa kanilang sarili gamit ang ibang display name sa mga pinapadalang text messages.