DICT-7 AT REGIONAL ANTI-CYBERCRIME UNIT, MULING BINALAAN ANG PUBLIKO VS LOVE SCAMS AT ONLINE SEXUAL ABUSE LALO NA NGAYONG BUWAN NG PEBRERO
Muling binalaan ng Department of Information and Communications Technology-7 at Regional Anti-Cybercrime Unit-7 ang publiko laban sa mga love scam at online sexual abuse lalo na ngayong buwan ng Pebrero.
Inihayag ni Cybersecurity Focal Engr. Royden Rusiana, na dahil lumalaki na ang cyberspace at halos lahat ay konektado na online, maraming bulnerable sektor pa umano ang kulang sa kamalayan.
Sinabi pa ni Rusiana na bukod sa online sexual abuse ay tumaas din ang mga love scam kaya naman kailangan pa umanong magkaroon ng zero trust kahit sa mga kamag-anak at pag-isipan bago mag-click ng mga link.
Samantala, ikinabahala naman ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit-7 ang pagkakaroon ng maraming nabibiktimang menor de edad ng online sexual abuse and exploitation of children.
Sinabi ni PCol Lemuel Gonda na alarming ang sitwasyon at ikinalungkot na magulang o mga kamag-anak pa mismo ng biktima ang may pakana nito.
Ayon sa kanya, karamihan pa umano sa mga nabibiktima ng cybercrime ay mga professional.
Idinagdag pa niya na para maiwasang maging biktima ng cybercrime, palaging tratuhin ang lahat ng online na kahina-hinala, maliban na lamang kung itoy i-verify at magkaroon ng zero trust.