Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko na huwag magbukas sa anumang mga file na naglalaman ng data na ninakaw mula sa pag-atake ng ransomware sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay sa gitna ng muling pagkalat na mga files sa social media na ipinakakalat ng Medusa ransomware.
Ang babala ay upang maiwasan din na mabiktima ng hacking o anumang cyberattack.
Ayon sa DICT, maaari kasi makompriso ang personal information ng publiko sa pagbubukas ng mga files na nakikita online na naglalaman ng ninakaw na data sa Philhealth.
Matatandaang inatake ng Medusa ransomware ang database ng Philhealth na kung saan humingi ito ng ransom na nagkakahalaga ng $300K upang maibalik ang nasabing database.
Hindi naman nagbigay ang gobyerno at kaagad na inaksyunan ang pagsasaayos sa data ng naturang insurance.
Una na rito, pinapayuhan ng Philhealth ang publiko na maging maingat sa pagbubukas ng mga website sa internet at huwag kaagad maglabas ng mga personal na impormasyon sa hindi kilalang mga sites at indibidwal.