Naglagay na ng libreng Wi-Fi hotspots ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga bagong talagang COVID-19 quarantine centers sa Kalakhang Maynila.
Ayon sa DICT, mayroon nang free Wi-Fi sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila; Philippine International Convention Center (PICC) at World Trade Center Metro Manila sa Pasay City.
Maliban dito, nagkaloob na rin ang DICT ng free Wi-Fi sa iba’t ibang mga lugar sa bansa, gaya sa Dagupan City Astrodome sa Pangasinan; New Clark City sa Capas, Tarlac; City Rest Drive Inn sa Tuguegarao City; Sacred Heart School for Boys sa Cebu City; at Ateneo de Zamboanga – Lantaka Campus sa Zamboanga City.
Paliwanag ng kagawaran, malaking tulong ang libreng Internet connectivity sa mga health workers para sa kanilang pagsusumite ng situation reports via online.
Ginhawa rin anila ang dulot nito sa mga frontliners at mga pasyente dahil sa pamamagitan nito ay kanilang makakausap ang kani-kanilang mga pamilya at mahal sa buhay kahit na nasa isolation.
Una na ring naglagay ang ahensya ng free Wi-Fi hotspots sa mahigit 30 COVID-19 monitoring and control centers, maging sa limang COVID-19 testing centers sa buong bansa.
“Pursuant to President Rodrigo Duterte’s directive to the DICT as member of the Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), the Free Wi-Fi for All Program aims to accelerate the Philippine government’s efforts in enhancing Internet accessibility during the COVID-19 crisis,” saad sa pahayag.