-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagbabantay ngayon sa panibagong mga kaso ng hacking na kanilang nadiskubre.

Kung saan may naitala silang 14 na hacking attempts kasunod ng naganap na pagkakaaresto ng International Criminal Court kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy, kinumpirma niya na mayroon silang napansin na spike o pagtaas sa hacking attempts na kanila naman ngayong mahigpit na binabantayan. 

Ayon sa kanya, target ng mga ito na perwisyuhin o guluhin ang mga web pages na gamit ng gobyerno partikular sa pag-atake ng mga Local Government Units o LGUs na nakitaan ng kahinaan sa ginagamit na system.  

‘Ilang linggo pa lang naman nakakalipas ano, wala pa ngang halos isang buwan… but we ah received, we saw a spike dun sa mga attempts lalo sa Local Government Units. On top of my head right now there are at least fourteen (14) cases that we are handling regarding on possible attempts to hack government,’ ani Undersecretary Jeffrey Ian Dy ng Department of Information and Communications Technology. 

Dagdag pa ng naturang undersecretary, napansin rin ang pagkakahalintulad sa motibo ng mga hackers kung bakit nila ito ginagawa. 

Aniya, karamihan sa kanila ay papasukin lamang ang web pages at magpapakalat ng mga mensaheng may koneksyon sa pagkaka-aresto ng dating pangulo.

Kung saan, sa eksklusibong ipinasilip ni Undersecretary Jeffrey Ian Dy ang listahan ng kagawaran na naglalaman ng mga contents na ipinapakalat. 

Mababasa sa kopya na kanyang ibinahagi ang mga mensaheng pagpapakita ng pagsuporta sa nadetenang pangulo at may magkakapareho pang content na ‘FREE TATAY DIGONG’.

Paglilinaw naman ni Undersecretary Jeffrey Ian Dy, na kasalukuyan pa rin nila itong iniimbestigahan at patuloy ang pagkalap ng impormasyon hinggil sa mga nadidiskubreng hacking attempts kasunod ng mga isyu ngayon sa bansa. 

Tiniyak din niya ang pakikipagtulungan ng kagawaran sa mga law enforcement agencies at sinabing isusumite sa mga ito kung ano mang impormasyon pa ang kanilang makalap.