Patuloy ang isinasagawang monitoring ngayon ng Department of Information and Communications Technology sa bagong paraan ng talamak na pagkalat ng maling impormasyon ngayong nalalapit na ang eleksyon.
Nadiskubre kasi ng naturang kagawaran na ang mga Advance Persistent Threat Groups ay mayroong ginagamit na taktikang tinatawag na ‘Amplifiers’.
Kung saan ibinahagi mismo ni Undersecretary Jeffrey Dy ng Department of Information and Communications Technology, sa halip na hacking, sa pag-aamplify umano ng mga controbersyal na online video contents ang sentro ngayon ng mga hacker.
Ayon sa kanya, mayroon pang ginagamit na analytics ang mga ito upang tukuyin kung anong video ang kanilang gagamitin sa pagpapakalat ng maling impormasyon na layuning sirain ang isang kandidato.
‘This time they will be using social media, baliktad na noh, hindi na muna hacking… meron silang analytics to use kung siya’y viral. At ganito ang gagawin nila, hindi na nila kailangang mag-post… ang ginagawa nila ina-amplify,’ ani Undersecretary Jeffrey Dy ng Department of Information and Communications Technology.
Paliwanag naman niya, ang mga Advance Persistent Threat Groups na tinutukoy rito ay hindi mga ordinaryong grupo na pasimuno ng maliliit na hacking kundi ang banta ng mga ito ay posibleng makaapekto sa buong bansa.
Dahil dito, ang naturang undersecretary ng kagawaran ay nagbigay ng babala sa publiko na huwag agarang mag-click o mag-react sa mga nakikitang post online sapakat aniya, ang ilan sa mga ito ay sinadyang pinalaganap sa iba’t ibang social media platforms para lamang makuha ang atensiyon ng isang indibwal.