cropped DICT 1 2

Binigyang diin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi magbabayad ng anumang ransom ang gobyerno, kaugnay ng insidente ng hacking na target ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Dy, na patakaran ng gobyerno na huwag magbayad ng anumang ransom para sa anumang uri ng kriminal na aktibidad, kabilang ang cyber-attacks.

Batay sa mga ulat, humingi ang Medusa ransomware group ng $300,000 mula sa gobyerno at nagbanta na ilalantad ang data kung tatanggi ang PhilHealth na magbayad.

Kinumpirma ni Dy na ang nakompromisong data ay nasa dark web na ngayon na isang bahagi ng world wide web na maa-access lamang gamit ang special software.

Aniya, sa katunayan, katulad ng anumang ransom demand, nag-post na umano ang grupo ng ilang mga leaks upang patunayan na sila ang mga hacker na numero uno, at mayroon nga silang data.

Gayunpaman, binigyang-diin ng DICT undersecretary na seryosong-seryoso ang grupo sa pag-hack ng ahensya.

Ito ay dahil ang mga hacker ay hindi lamang nakakuha ng access sa mga dokumento kundi nakompromiso din ang personal na pagkakakilanlan ng mga empleyado ng PhilHealth, kasama ang ilang panloob na memo na dapat ay confidential.