-- Advertisements --

Sineguro ng Department of Information and Communications Technology ang patuloy na pakikipagtulungan sa Commission on Elections ngayong papalapit na ang halalan sa darating na buwan ng Mayo.

Tiniyak ng kagawaran na sila’y nakikipag-ugnayan na sa naturang komisyon upang mapaghandaang mabuti ang hangaring maayos na National and Local Elections ngayong taon.

Inihayag mismo ni Assistant Secretary Renato Paraiso, tagapagsalita ng Department of Information and Communications Technology, sila’y nakaantabay na upang mapanatiling walang bahid ng hacking o pagpalya sa gagamiting automated election system sa nalalapit na halalan.

‘Maigting ang aming pakikipagtulungan at pakikipag-coordinate sa COMELEC po para tiyakin ho na ang systems in the conduct of automated elections sa darating na Mayo ng 2025 na mababantayan natin at mapapaigting natin para ho manatiling credible at hindi mabahiran ng kahit anumang hacking yung darating na eleksyon natin,’ ani Assistant Secretary Renato Paraiso, tagapagsalita ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Dagdag niya, dalawa ngayon ang sentro ng kanilang pokus sa paghahanda, una niyang ibinahagi ang pinaigting na maging maayos ang gagamiting sistema sa transmission ng mga balota patungo sa server na itinalaga naman ng COMELEC.

Kaugnay pa rito, sinabi naman ni Assistant Secretary Renato Paraiso na kanila ding binabantayan ang sistema ng COMELEC sa pagtanggap at pagbibilang ng mga boto upang tiyakin na ang lahat ng ito ay seguradong gumagana.