Inihayag ng Department of Information and Communications Technology ang plano nilang pang doble sa bilang ng mga kasalukuyang WiFi sites sa bansa.
Sa ilalim ng proyektong ito, mas dadami pa ang bilang ng mga indibidwal na magkakaroon ng libreng access sa internet.
Ito ang kinumpirma ni DICT Usec. David Almirol sa isang inilabas na statement.
Target umano ng ahensya na maalalayan ang digitalization ng lokal na pamahalaan pati na ang eLGU app ng mga siyudad at munisipalidad sa bansa.
Ang naturang application ay isang mobile application na kung saan nagsasama-sama ang mga serbisyo ng gobyerno.
Kabilang na rito ang business permit licensing, community tax, local civil registry, at marami pang ibang serbisyo.
Naniniwala ang opisyal na malaki ang pangangailangan sa connectivity upang epektibong maipatupad ang eLGU sa mga lokal na pamahalaan sa bansa.
Batay sa datos ng ahensya, aabot na sa 60% na mga LGU sa buong Pilipinas ang digitalized na.
Kung maaalala, noong 2018, nakakolekta ang mga LGU ng P50 billion ang business tax, fees, at charges dahil sa digitalization,.
Tumaas naman ito noong 2022 na umabot pa sa P208 billion na kung saan ito ay apat na beses na mas mataas.