Nanindigan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na walang ebidensiyang magpapatunay na may mga ninakaw na data mula sa Philippine government system.
Una nang ibinunyag ng US-based information company na Bloomberg na may ninakaw ang mga China-based hacker na military data at iba pang sensitibong impormasyon mula sa executive department.
Ayon kay DICT Spokesperson, Asec. Aboy Paraiso, walang ebidensiyang magpapatunay na may mga sensitibong datos na ninakaw o kinuha mula sa mga government system.
Wala din aniyang ebidensiyang magpapatunay na may na-kompormisong mga site, sa kabila ng report ng US-based firm.
Kasabay nito ay hinamon naman ng DICT ang mga hacker na magpakita ng proof o patunay na may mga nilansag silang site o ninakaw na mga datos.
Batay sa impormasyong inilabas ng Bloomberg, maraming hacking incident ang umano’y isinagawa ng mga China-based hacker at karamihan dito ay nangyari mula sa unang bahagi ng 2023 hanggang June 2024.
Nakasaad din sa report nito na una nang humiling ang Office of the President ng imbestigasyon ukol sa umano’y hacking incident noong May 2024. Naglabas pa ito ng email kung saan sinasabing nakasaad ang request ng Pangulo.
Pero ayon sa DICT spokesperson, may mga natunton silang Chinese hackers noong mga panahong iyon, ngunit wala aniyang email na natanggap ang ahensiya.