Nanawagan ng karagdagang suporta para sa skateboarding community ang skateboarding champion na si Margielyn Didal at ang mga miyembro ng Philippine national team matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Matatandaang humakot ng 11 medalya ang Pilipinas sa skateboarding, kabilang na ang anim na gold medals.
Ayon kay Didal, umaasa silang magkakaroon pa ng mga skate parks sa buong bansa kung saan sila maaaring magsanay.
“We need to wake up,” wika ni Didal. “We don’t have a skate park still. Para magising po lahat na kailangan natin ng skate parks [for us to have] more medals to come.”
Ganito rin ang sentimiyento ng kanilang team manager na si Anthony Claravall, na binigyang-diin na kailangan ng karagdagang mga pasilidad dahil sa kinakailangan pang bumiyahe ng Pinay skateboarding star sa ibang bansa upang mapanatili ang kanyang hustong kondisyon.
“Unfortunately for her to be here, to be in the podium, to get a gold medal, she cannot be home,” sambit ni Claravall kay Didal.
Tinukoy din ni Claravall ang skateboarding programs ng iba pang mga bansa sa Southeast Asia gaya ng Indonesia.
“Hopefully we can do the same here and we can support [Didal and Christiana Means],” ani Claravall. “I believe that these are the best female skateboarders in Asia.”
Nakabingwit ng gintong medalya si Means sa skateboarding park event, at nakabulsa rin ng silver medal sa Game of S.K.A.T.E at street.
Isinalaysay din ni Didal ang mga hirap na nararanasan ng mga skateboarders sa bansa.
“Kahit pumunta kami sa mall, bawal may dalang board, LRT din bawal,” kuwento ni Didal.
“Isa lang masasabi namin, paano ba yan yung pinagbabawal niyo na, tawagin na nating sport ngayon, nag-deliver sa inyo ng medal?”
“Kaya ‘wag niyo po maliitin yung mga batang nasa kalsada, ‘wag po natin maliitin kasi baka sila yung kinabukasan natin na magreraise ng flag,” dagdag ni Didal.