DAVAO CITY – Tuluyan ng inihinto ng mga responders ang kanilang search and rescue operation matapos makumpirma na wala na talagang buhay sa gumuhong gusali sa Padada, Davao del Sur matapos mangyari ang magnitude 6.9 na lindol noong nakaraang araw.
Idineklara ng mga Responders na tanging retrieval operations na lamang ang kanilang ginagawa ngayon sa gumuhong gusali ng Southern Green Marketing sa Padada, Davao del Sur.
Inihayag ni SSupt. Fred Trajeras Jr., ang Regional Director ng Bureau of Fire Protection (BFP) XI na sentro ng kanilang operasyon mula ngayong araw ang drilling and digging operation kung saan sisimulan nila ito sa ikatlong palapag ng nasabing grocery store.
Sinabi rin ni Trajeras na kanila ng itinigil ang search and rescue operations matapos mag-negatibo ang resulta ng kanilang ginamit na life & motion detector at xray finder.
Ngunit inamin ni Trajeras na may na-dedetect pa sila ngunit hindi nila ito matukoy kung mula ba ito sa katawan ng isang tao o kayay mula sa isang hayop.
Sa kabilang banda, kumpleto na umano ang 26 na mga empleyado ng southgreen marketing kung saan isa lamang ang naging casualty na nakilalang si Emily Beloy kung saan narekober ang bangkay nito alas 9:55 nitong Lunes ng gabi.