Inanunsiyo ngayon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang social media giant na Facebook ang pagpapalawak pa ng kanilang digital literacy program para makarating sa mas marami pang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Kabilang sa target ng OWWA at FB ay ang maraming konsentrasyon ng mga OFW sa Hong Kong, Singapore at Middle East.
Nitong Hunyo 5, 2019 ay unang taon ng partnership ng Facebook at OWWA.
Kabilang sa programa ay mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa kung papaano makakatulong sa pagnenegosyo sa hinaharap ang social media sa pamamagitan ng marketing workshop.
Ayon kay Beth Ann Lim, head ng community affairs for Asia Pacific Region ng FB, layon din ng kanilang proyekto na maiiwas ang mga OFW sa mga nagkalat na misinformation o kaya ay fake news.
Ngayong taon ilulunsad ng Facebook ang modules para sa enhanced digital literacy. Kasama na rito ang online privacy, safety at information literacy at iba pa.
Samantala iniulat naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na ang 140,000 na una nilang nabigyan ng seminar ay namo-monitor naman nila lalo na ang paggamit ng FB.
Nasa 600 OFW ang nabigyan na rin ng training kaugnay naman sa online business skills.