Nakikita ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mababawasan ang cost of production at distribution sa mga negosyo sa bansa kapag magtuloy-tuloy ang malawakang paggamit ng digital payments sa bansa.
Kaya naman sinabi ng BSP na maaring magkaroon ng positive impact sa inflationary trends ang digitalization.
Magugunita na sa halos kabuuan ng taong 2021 ay lagpas sa target na 2 hanggang 4 percent ang inflation rate sa Pilipinas bago pa man ito tuluyang bumagal sa 3.6 percent pagsapit ng Disyembre.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, maaring makatulong para mapanatiling mababa at stable ang presyo ng mga bilihin at serbisyo sa mahabang panahon dahil sa technological advancements sa ngayon.
Halimbawa, ang mga digital banks ay mayroong mas mabilis at murang onboarding processes dahil wala naman sila sa loob ng isang building kaya hindi na rin kailangan pa ng maintenance sa mga physical branches bukod pa sa overhead coast sa mga tellers ng mga ito.
Kamakailan lang, inilunsad ng central bank ang standardized QR code system para gawing mas madali at efficient ang online fund transfers sa magkakaibang bangko.
Bukod dito, sinabi rin ng economic managers ng Duterte administration na mapapabilis ang cash aid distribution at maiiwasan ang korapsyon sa pamamagitan ng digital payments.
Mababatid na aktibong isinusulong ng BSP ang technological advancements na ito sa ilalim ng kanilang Digital Payments Transformation Roadmap 2020 hanggang 2023, kung saan target nilang gawing digitized ang 50 percent ng payment options at mahikayat na sumali rito ang 70 percent ng populasyon pagsapit ng 2023.
Hanggang noong 2020, ang share ng digital payments sa total financial transactions ay pumalo na sa 20.1 percent mula sa 14 percent lamang noong 2019 at tanging 1 percent naman noong 2013.