-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Pinayagan na muli ng lokal na pamahalaan ng Malay ang pagligo sa dagat at iba pang water activities sa Boracay.

Ito’y matapos inalis na ang tinatawag na red flag warning sa mga turista kaugnay ng paglitaw ng sangkaterbang maliliit na jellyfish o dikya sa tatlong istasyon ng isla.

Nitong Sabado nang pansamantalang ipinagbawal ng mga otoridad ang pagligo at pagsasagawa ng iba pang aktibidad sa dagat dahil sa nasabing insidente.

Sa abiso ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, lubhang delikado ang mga ito dahil maaaring magdulot ng pangangati ng balat o allergy.

Linggo ng umaga ay unti-unti nang nawala ang mga dikya sa dalampasigan.

Sinasabing dahil sa Habagat kung bakit inanod ang mga ito sa tabing-dagat.