-- Advertisements --

Inamin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tinatayang nasa 55% ang mga local government units sa buong bansa ang may kakayanang makapagsagawa ng contact tracing.

Ang nasabing bilang ay lumabas sa pagdinig ng Senado sa proposed 2021 budget, makaraang humingi si Sen. Kiko Pangilinan ng updates kaugnay sa kahandaan ng mga LGUs sa contact tracing.

Ayon kay Senate Finance Committee chairperson Sonny Angara, sinabi sa kanya ng mga kinatawan ng DILG na kumpiyansa ang mga ito na madaragdagan pa ang kapasidad ng mga LGUs makalipas ang isang buwan.

Kaugnay nito, hindi naman naitago ni Sen. Kiko Pangilinan ang kanyang pagkabahala sa naititirang 45%, na tinawag nitong “huge gap.”

Pero sinabi ni Angara, pasok na raw sa 55% ang mga itinuturing na high-risk areas.

“The Secretary is telling me [that] they are definitely trying to improve… Of the 55% of LGUs who were capacitated, they focused on localities or LGUs where there is a significant number of cases.”

“Kumbaga ‘yung 45% na hindi pa capacitated, wala namang masyadong kaso doon. So, I guess these are the far-flung areas, where there is little migration and little chance or possibility of a contagion,” dagdag pa nito.

Sa kasalukuyan, mayroon nang halos 250,000 contact tracers sa buong bansa, kabilang na ang mahigit 46,000 na kinuha ng DILG at mga nagtatrabaho sa mga LGUs.