
Iginiit ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na naniniwala siyang hindi tinorture o pinahirapan ng mga pulis ang mga suspek sa pamamaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa isang pahayag ay nanindigan si Abalos na buo ang kaniyang paniniwala sa pronouncement ng Pambansang Pulisya na hindi nito pinahirapan ang mga suspek.
Paliwanag ni Abalos, naaresto ng pulisya ang naturang mga suspek sa pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines at National Bureau of Investigation dahilan kung malabong mangyari ang mga claim ng mga suspek.
Kasabay nito ay nagpahayag naman ng kumpiyansa ang kalihim na magtutuloy-tuloy ang mga kasong isinampa laban sa mga suspek sa kabila ng mga recantation nito sa kanilang testimonya.
Aniya, mayroong dalawang klase ng ebidensya ang hawak nila kabilang na rito ay ang direct evidence o testimonya, at ang tinatawag na circumstantial o mga forensics na talagang mag-uugnay sa mga suspek mula sa naturang krimen.
Bukod dito ay binigyang katiyakan din aniya siya ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa kanilang huling pagkikita na matibay ang mga kasong isinampa laban sa mga suspek sa kabila ng pagbawi ng mga ito ng kanilang testimonya.