Tinalakay ng Department of the Interior and Local Government at Department of Justice ang mga safeguard kaugnay sa leakages ng e-warrants sa mga operasyon ng law enforcement agencies.
Sa naturang pagpupulong, idinulog ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang naturang concern sa kaniyang kapatid na si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla kasunod ng mga problemang naranasan ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police.
Ayon sa DILG chief, nagsama ang information technology ng DOJ at DILG upang magkaroon ng safeguards ang e-warrants para siguraduhin na hindi nagkakasunugan ng interoperability ang law enforcement divisions ng NBI at PNP.
Sinabi din ng opisyal na ang pagpapatupad ng sistema na may 6 na oras na embargo ay makakatulong para maresolba ang problema sa e-warrant leakages.
Hindi naman tinukoy ng kalihim kung ano ang mga partikular na mga kaso na nagkaroon ng leakage sa warrant of arrest subalit iginiit ng DILG chief na maraming mga kaso ang apektado dahilan kayat nagkakaroon aniya ng bulilyaso dahil sa pagkaka-leak ng warrant of arrest.
Ipinunto din nito kanilang pangunahing prayoridad na mapigilang maulit ang warrant leaks.
Lumutang ang isyu sa warrant leaks sa kasagsagan ng mga ikinakasang raids ng mga awtoridad sa mga pasilidad ng ilegal na POGOs kabilang na ang ginawang raid o pagsalakay sa POGO hub na Lucky South 99 sa Porac Pampanga kung saan 158 lamang ang naaresto, malayo sa inaasahang mahigit 1,000 na maaresto ng PAOCC, dahil na-leak umano ng impormasyon hinggil sa naturang operasyon.
Noong Hunyo din, sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na posibleng may insiders ang mga sindikato sa loob ng law enforcement agencies at hudikatura na nag-tip sa mga sangkot sa POGO.