-- Advertisements --
DILG USEC MARTIN DINO
MARTIN DINO/ FB POST

DAGUPAN CITY–Binalaan ng Department of Interior and Local Government o DILG ang mga barangay officials na sumusuporta sa New Peole’s Army o NPA.

Ito’y batay na rin sa binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte na National Taskforce na may mandatong tuldukan ang Communist Armed Conflict sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, sinabi nito na maaaring alisin sa posisyon at hulihin ang mga Punong Barangay na sympathizer o sumusuporta sa mga rebeldeng grupo.

Bawal din aniya sa mga barangay officials ang tatamad-tamad lalo na’t may komite ang mga ito na hinahawakan.

Mababatid na batay sa Executive Order number 70 na pinirmahan ni Pangulong Duterte nitong Disyembre 4, 2018, binigyang-diin nito na dapat maging “whole nation approach” o gawing bahagi na ng polisiya ng gobyerno ang pagkamit sa pangmatagalang kapayaan sa pamamagitan ng iba’t ibang serbisyo publiko.

Magiging prayoridad ng task force ang pagkakaloob ng social development packages sa mga lugar na apektado ng gulo.