Tiniyak ni Interior Secretary Benhur Abalos na maisisilbi ang hustisya para sa pagkamatay ng pinaslang na si dating Governor Roel Degamo at 9 na iba pang mga biktima na nadamay sa Pamplona masaccre.
Ito ay sa kabila pa ng recantation o pagbawi ng naunang salaysay ng 10 akusado sa krimen na nauna ng pinangalanan si suspended Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr bilang utak sa likod ng pamamaslang noong Marso 4.
Sa pagbisita ng kalihim sa lalawigan ng Negros Oriental, sinabi nito na marami ng mga kaso ang inihain sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa naturang krimen at isinasailalim na sa preliminary investigation. May ilan din na nakabinbin pa sa regional trial courts at inaantay na lamang ang desisyon sa naturang mga kaso.
Matatandaan na sa isinagawang preliminary investigation sa DOJ, pinagtibay ng mga akusado na sina Winrich Isturis, Joric Labrador, Benjie Rodriguez, Eulogio at John Louie Gonyong ang kanilang affidavits of recantations sa harap ng panel of prosecutors noong nakaraang linggo.
Habang tikom ang bibig at hindi pa rin nakikipagtulungan sa mga awtoridad ang umano’y ringleader ng grupo na si Marvin Miranda.
Sa kabila nito, muling tiniyak ng kalihim na walang dapat na ipangamba dahil sa ilalim ng mga procedure ng mga ahensiya ng gobyerno, lalabas din ang katotohanan at mamayani pa rin ang hustisiya.
Ipinag-utos din ni Sec. Abalos sa Philippine National Police (PNP) na tiyaking matigil na ang patayan sa lalawigan ng Negros Oriental.