Handa umano si Interior Sec. Eduardo Año na pangasiwaan ang Philippine National Police hanggang sa makapili na ng bagong PNP chief si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Año, bilang alter-ego ng Pangulong Duterte ay gagawin niya ang trabahong ibinigay sa kanya.
“My job is to supervise the organization on his behalf as his alter ego, being the DILG Secretary and Chairman of NAPOLCOM,” pahayag ni Año. “I will do my job until the President chooses the next Chief PNP.”
Aniya, may mga pagpipilian na ang Pangulo sa isip nito pero sinusuri pa nito ang performance at conviction ng mga kandidato lalo na pagdating sa kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
“I believe he has choices in his mind but he is closely watching the performance and conviction of of these candidates particularly on the fight against illegal drugs and professionalizing the PNP ranks,” wika ng kalihim.
Kahapon, ibinunyag ng Pangulo na ang dahilan kaya wala pa siyang itinatalagang hepe ng PNP ay dahil daw sa talamak na kurapsyon sa pulisya.
“Baw linti ang mga pulis. Dito okay lang, sa mga probinsiya mahusay ang mga pulis. But in Manila… that’s why I did not appoint a PNP [chief]. Sabi ko kay General Año na hawakan niya muna,” anang pangulo.
Kabilang sa mga pinagpipiliang maging susunod na pinuno ng pulisya sina PNP OIC PLt. Gen. Archie Gamboa, PLt. Gen. Camilo Cascolan, at PLt. Gen. Guillermo Eleazar.