-- Advertisements --

Hinamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na sumuko na at harapin ang mga kasong ibinabato laban sa kaniya sa korte para patunayang inosente siya.

Kasabay ng panawagan sa pagsuko ng Pastor, iginiit ng kalihim na ang hustisiya ay hindi lang responsibilidad ng legal system subalit ng lipunan sa kabuuan.

Hinimok din nito ang lahat na magkaisa sa pagsiguro na ang bawat biktima ay makakatanggap ng nararapat na hustisiya. Sa pamamagitan aniya nito, hindi lamang sinusuporahan ang mga apektado kundi makakatulong din ito sa pagkakaroon ng mas ligtas at mas makatarungang lipunan para sa mga hinaharap na henerasyon.

Binigyang diin pa ng DILG chief na hindi dapat kunsintihin o bigyang katwiran ang nasabing mga aksiyon at dapat na maging prayoridad ay ang kapakanan at kaligtasan ng mga biktima at kanilang mga pamilya partikular na ang pinaka-vulnerable sa lahat, ang mga bata.

Ginawa ni Sec. Abalos ang naturang hamon bilang tugon sa nauna ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Pastor Quiboloy na magpakita na at sagutin ang mga seyosong akusasyon laban sa kaniya.