-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa mga lokal na pamahalaan sa Luzon at Visayas na striktong ipatupad ang pre-emptive at forced evacuation sa mga high-risk area para makapaghanda sa pananalasa ng Super Typhoon Pepito.

Kaugnay nito, inatasan din ng kalihim ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP) na alalayan ang mga lokal na pamahalaan sa pwersahang pagpapalikas sa mga residente na nasa high risk areas kung saan maaaring tumama ang landslide, baha, daluyong at iba pang sakuna.

Ipinunto din ng kalihim na dapat tukuyin ng LGUs at ihanda ang mga evacuation center na may angkop na sanitation at pasok sa safety standards gayundin ang mga medical facilities at designated areas para sa mga vulnerable groups gaya ng mga matatanda, buntis, bata at persons with disabilities.

Ayon sa DILG chief, inaasahan ang matinding pag-ulan dala ng bagyong Pepito na maaaring magpataas ng antas ng tubig sa mga malalaking dam na mangangailangan ng pagpapakawala ng tubig na makakaapekto sa mga komunidad sa mabababang lugar.

Pinakikilos din ang mga lokal na pamahalaan na ihanda ang mga relief supplies sa pakikipag-tulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at kanilang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.