Kinukuwestiyon ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang pagiging epektibo ng SIM Card Registration Act kasabay ng pagpapatuloy ng mga scamming activities ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ayon kay Remulla, nagiging pahirapan pa rin ang pagpigil sa mga naturang scam sa kabila ng ilang buwan nang pagiging epektibo ng batas.
Maging ang mga prank calls aniya ay hindi rin napipigilan matapos maitala ang hanggang 60% ng mga prank calls na tumawag o kumunekta sa 911 emergency hotline.
Ayon pa kay Remulla, hindi gaanong epektibo ang SIM Card Registration Act dahil walang kalakip na ID at hindi aniya kasi integrated ang national ID system sa mga telco.
Dahil dito, binigyang-diin ng kalihim ang pangangailangan na magkaroon ng maayos na koneksyon sa pagitan ng telecom services at national ID System para mapalakas pa ang naturang batas.
Una na ring sinabi ng National Telecommunications Commission na malaking hamon pa rin ang mga scam gamit ang mga SIM card, sa kabila ng pagkakapasa ng naturang batas.