Inanunsyo ni Interior Sec. Eduardo Año na sa unang araw ng Oktubre na kaagad magsisimulang magtrabaho ang mga natanggap na karagdagang 50,000 contact tracer.
“Ang target natin is October 1 mag-start na sila ng work nila. Tamang-tama naman na ‘yun din ‘yung period na mare-release ‘yung budget sa atin. So inuna lang talaga natin ma-fulfill ‘yung recruitment, maipasa nila ‘yung requirements then they can start working,” wika ni Año sa Laging Handa public briefing.
Ilalagay ang 9,285 contact tracers sa Metro Manila, lalo na sa Quezon City, kung saan malaki ang naitalang mga kaso ng COVID-19.
Ipinaliwanag ng kalihim na ide-deploy ang mga contact tracers sa mga mga lalawigang nangangailangan ng kanilang serbisyo.
Nilinaw naman ni Año na maglalagay din sila ng contact tracers sa mga lugar na may mabababang bilang ng COVID-19 active cases.
“Mas marami tayong ilalagay sa lugar na nangangailangan at mayroon pa rin namang maiiwan doon sa low active cases para sigurado rin naman na tuloy-tuloy ‘yung pag-contact tracing,” anang kalihim.