-- Advertisements --

Nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na sisibakin ‘on the spot’ ang lahat ng fire personnel na masasangkot sa anumang uri ng katiwalian.

Kabilang na dito ang pagbebenta ng fire extinguishers sa mga negosyante para makapag-secure ng fire safety clearances para sa kanilang mga negosyo.

Ito ang binigyang diin ng DILG chief kasabay ng pagpapaalala na sa ilalim ng BFP Memorandum Circular (MC) 2016-016, striktong pinagbabawalan ang mga BFP personnel mula sa pagbebenta ng fire extinguishers at pag-endorso ng manufacturers, dealers o suppliers ng mga kagamitan sa pag-apula ng sunog.

Sa ilalim din ng batas na Ease of Doing Business Law, dapat na mag-isyu ang BFP ng Fire Safety Evaluation Clearance at Fire Safety Inspection Certificate sa mga negosyo sa loob ng 7 araw.

Kaugnay nito, noong Pebrero, inatasan ng DILG chief ang mga lokal na ehekutibo sa Cebu nang magtungo siya doon na hikayatin ang mga may-ari ng mga negosyo na maghain ng reklamo laban sa mga BFP personnel na sangkot sa ganitong iligal na aktibidad at naga-antala sa pag-isyu ng fire clearances.