Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na walang ikinakasang manhunt operation ang DILG laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque.
Tugon ito ni Remulla kasunod ng ulat na na nagtatago na ngayon si Roque matapos maglabas ng arrest order ang Quad Committee ng Kamara laban kay Roque at sa asawa nitong si Mylah Roque matapos na hindi siputin ang pagdinig kaugnay ng imbestigasyon sa operasyon ng POGO sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni Remulla, ang mayroon lamang sa ngayon ay ang subpoena at ang contempt order sa mag-asawang Roque mula sa House of Representatives na hindi naman krimen.
Dagdag pa ng kalihim, kikilos lamang ang pulisya kung hukom ng korte ang maglalabas ng warrant of arrest.
Gayunpaman, nilinaw ni Remulla na ang paghahanap kay Roque ay katungkulan ng Office of the Sergeant at Arms ng mababang kapulungan.
Una nang itinanggi ni Roque ang alegasyon na tumayo siya bilang abogado ng Lucky South 99 na ni-raid ng mga awtoridad.