-- Advertisements --

Hinamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pangalanan ang mga pulis na sangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Sinabi ni Año, hindi umano makatuwiran sa mga matitinong pulis kung magiging “masyadong general” ang akusasyon ng PDEA na hindi naman tinutukoy kung sino ang mga pulis na nagre-recycle umano ng droga.

Ito’y matapos na ibunyag ng PDEA sa Kongreso na may mga aktibong pulis na tinaguriang mga “ninja cops” na ibinibenta uli ang mga mga nakukumpiskang droga.

Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na kung may hawak na impormasyon ang PDEA laban sa mga umano’y ninja cops, maari naman silang dumeretso sa pulisya.

Hindi na aniya nila kinailangang isapubliko ang impormasyon dahil para nilang tinimbrehan ang mga ninja cops, at nakompromiso ang operasyon ng PNP laban sa mga ito.

Ayon kay Albayalde, walang tigil ang kanilang pagtugis sa mga ninja cops at mula sa orihinal na mahigit 80 sa kanilang listahan, 22 na lang ngayon ang kanilang mino-monitor.