Magsasanib-puwersa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) upang labanan ang iligal na pagtotroso at pagmimina upang mapangalagaan ang natitirang kagubatan ng bansa.
Pahayag ito ng dalawang ahensya matapos ipag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang puno’t dulo ng malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Sa isang joint statement, sinabi ni Interior Spokesperson Jonathan Malaya na binabalak ng DENR na makipagpulong sa National Anti-Illegal Logging Task Force na itinatag alinsunod sa Executive Order No. 23 series of 2011.
Ang PNP at AFP ay kabilang din aniya sa task force na siyang aagapay sa DILG.
“Alam kong may pandemya pa, pero ang programang ito ay hindi na makakapaghintay. Kung hindi tayo kikilos ngayon, ang itatanim natin ay mga buto ng paggunaw ng ating mundo. Ang climate change ay nagaganap na at kailangan natin itong harapin,” wika ni Malaya.
Ayon kay Malaya, pakikilusin nina Interior Secretary Eduardo Año at Environment Secretary Roy Cimatu ang sinumang maaaring makatulong upang mapigilan ang iligal na mga aktibidad na nangyayari sa mga kagubatan.
Susuportahan din aniya ng DILG ang National Greening Program ng DENR, na naglalayong taniman ang nasa 1.2-milyong nakakalbong kagubatan pagsapit ng 2022.
“Nangangako ang DILG na pakikilusin ang mga local government units, ang kapulisan, ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang makamit ang layunin ng NGP na bigyan ng bagong buhay ang mga hindi mabunga, nakalbo at naabusong kagubatan ng bansa sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga pamayanan sa reforestation program ng DENR,” ani Malaya.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Debold Sinas ang pagtugis laban sa mga pinaghihinalaang illegal loggers na namaril sa mga pulis sa Cagayan, kung saan isa ang sugatan.
Pinaigting na rin ng pamahalaan ang operasyon kontra illegal logging sa Cagayan sa harap na rin ng makasaysayang pagbaha.