Magiging prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng trabaho sa libo-libong Pinoy na nawalan ng trabaho kasabay ng tuluyang pagbabawal sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla, maliban sa mga naunang job fair na isinagawa na ng pamahalaan para sa mga naturang mangagawa, may ilan pang nakahanay na job fair na pwede nilang salihan.
Dito ay pwedeng makahanap ng trabaho ang mga ito, batay sa kanilang kagustuhan at taglay na skills.
Maalalang ilang Pinoy POGO worker na ang nakapasok sa trabaho sa mga unang job fair na isinagawa para sa kanila, ilang buwan mula noong ipag-utos ni PBBM ang total ban sa POGO.
Ayon kay Remulla, suportado rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang agarang paglalaan ng trabaho sa libo-libong mangagawa.
Pinakahuli sa listahan ng DILG ay ang mga mangagawa ng ipinasarang POGO hub sa Cavite na Island Cove Hotel and Resort kung saan humigit-kumulang 15,000 Pinoy ang nawalan ng trabaho. Pinaniniwalaan ding mayroong hanggang 15,000 dayuhang mangagawa sa naturang hub.
Ang naturang hub ay unang nagsara isang buwan bago ang deadline.