Kuntento ang mga foreign delegates sa latag ng seguridad na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang ibinunyag ni Department of Interior and Local Government (DILG) spokesperson Usec. Jonathan Malaya simula nang dumating sa bansa ang mga atleta ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Giit ng opisyal na lahat ng mga foreign delegates ay escorted ng mga pulis.
“As of matter of fact nung dumating na yung mga delegado kaagad nandun yung ating mga security convoys and the foreign delegates have already expressed their satisfaction with the security arrangements. Wala po tayong nareceive na kahut anumang complaints from the foreign delegates about lack of security on their part. They feel secure, kitang kita po natin on my way here may nakasalubong akong convoy ng mga delegado ng isang bansa na fully secured ng PNP,” pahayag ni Malaya.
Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) spokesperson B/Gen. Bernard Banac magkakaroon ng special lane para sa SEA Games delegates gaya ng ginawa sa mga nakaraang international events.
Nitong araw nang ipinasilip sa mga miyembro ng media ang Multi Agency Coordinating Center (MACC) sa Camp Crame kung saan dito naka monitor ang traffic situation para sa ibat ibang sports venues sa SEA Games.
Kasama sa monitoring ang ilang mga representatives mula sa INTERPOL na tutulong kung may mga banyagang wanted sa batas.
Target ng PNP ang zero incidents sa buong panahon ng palaro.
Tiniyak naman ng PNP sakaling may mga untoward incidents may mga protocols silang inihanda.
“So insofar as security preparations are concerned we are 100 percent prepared and ang target talaga natin ay zero incidents so for this to happen this is not simply the problem of the PNP, we enjoin LGUs, barangay officials magtulong tulong na po tayo rito especially kapag tapos na ang games at namamasyal na yung mga delegado sa mga hotels, beaches natin let’s continue to secure them even after the games until such time they return back to their respective countries,” wika ng opisyal.