Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya ang mga kritiko na humingi ng pag-amyenda sa batas na naglilimita sa pagbebenta ng mga gamot sa mga lisensyadong parmasya at retail outlet.
Sinabi ni Malaya na sinusunod lamang ng departamento ang Section 30 ng Republic Act No. 10918, o ang Philippine Pharmacy Act, na nagsasaad na ang mga retail drug outlet o botika lamang na lisensyado ng FDA ang pinapayagang magbenta ng mga drugs at medicine sa publiko.
Dagdag pa ni Malaya na makikipag-usap sila sa FDA kung pwede silang maglabas ng some kind of regulation kung saan ‘yung mga commonly used over-the-counter drugs ay mas maluwag para sa ating mga kababayan.
Nauna nang nanawagan ang DILG sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng mga ordinansa para ipagbawal ang pagbebenta ng anumang uri ng gamot sa mga “sari-sari” store sa buong bansa.
Ginawa ang hakbang ng DILG matapos mag-ulat ang Food and Drug Administration (FDA) kay Pangulong Duterte na mula Enero 13 hanggang Pebrero 11, nakatanggap ito ng 185 reports tungkol sa mga sari-sari store na ilegal na nagbebenta ng mga gamot.