Humingi ng dispensa ang Department of Interior and Local Government (DILG) kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kaugnay sa inilabas na show-cause order (SCO) ng ahensiya laban sa alkalde hinggil sa lapses umano nito sa pagpapatupad sa anti-illegal drug campaign nuong 2018.
Ayon kay DILG Spokesperson USec Jonathan Malaya,inamin ng office of Undersecretary Ricojudge Janvier Echiverri ang kanilang pagkakamali, dahilan para humingi sila ng paumanhin sa alkalde.
Sa isang memorandum na inilabas sa DILG-National Capital Region, pinababawi sa kaniya ang show-cause order na may petsang July 8,2021 laban kay Mayor Domagoso.
Umupo sa pwesto si Domagoso bilang alkalde ng Manila nuong June 2019, kung saan pinalitan nito si incumbent mayor at dating Pangulong Joseph Estrada.
Mariin naman itinanggi ni Malaya na may kaugnayan sa pulitika ang inilabas na Show-cause order.
Pagbibigay-diin ni USec Malaya batay sa paliwanang ni Usec Echiverri na isang honest mistake ang nangyari.
Sa kabilang dako, ayon naman kay Interior Secretary Eduardo Año, ang personnel na nasa likod sa paglista sa pangalan ni Domagoso sa SCO ay na reprimand na at binalaan.
Dagdag pa ng Kalihim ang nasabing show-cause order ay dapat para kay dating mayor Joseph Estrada, kaya hindi na dapat pa magpaliwanag si Mayor Isko.