Welcome sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang inihaing petisyon ng ilang mga inmates na kumukuwestiyon sa validity ng inamiyendahang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Ayon kay DILG Spokesman Usec. Jonathan Malaya, sa nasabing batas, binibigyang kapangyarihan ang DILG at ang Department of Justice (DOJ) na lumikha ng IRR kung saan kabilang sa mga miyembro ng Technical Working Group (TWG) ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ang Bureau of Corrections (BuCor).
Paliwanag pa ni Malaya, ang BJMP at BuCor aniya ang mayruong karanasan at kakayahan sa pagtrato sa mga bilanggo gayundin ang pagpapatupad ng batas para sa mga ito.
Nanindigan din ang DILG na natugunan nila ang mga kakulangan ng naunang IRR na naabuso ng ilang tiwaling opisyal ng BuCor kaya’t kumpiyansa silang maidedepensa nilang ganap sa Korte Suprema ang kanilang binalangkas na IRR upang hindi na muling maulit pa ang mga nangyari sa nakalipas.