-- Advertisements --

Iimbestigahan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang umano’y pagbawi ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro sa suporta ng lungsod sa mga opisyal at tauhan ng pulis sa kanilang lugar.

DILG spokesperson and Undersecretary Jonathan Malaya

Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, kung ano ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon ay siyang batayan ng hakbang na kanilang gagawin.

Paliwanag ni Malaya na ang pagpapalit ng liderato ng PNP sa isang lugar sa panahon ng halalan ay mahalaga para hindi mabakante ang isang puwesto.

Binigyang-diin ni Malaya na hindi kailangan ng approval ng mga local chief executives kung ang itatalagang chief of police ay “in acting capacity” lamang.

Una rito, inamin ni Teodoro na hindi niya nagustuhan na bigla na lang inalis ang kanilang Chief of Police na si P/Col.Roger Quesada at pinalitan ni P/Col. Red Maranan bilang officer-in-charge.

Dahil dito, pinatanggal ang mga hotlines ng Marikina PNP, binawi ang kanilang gas allowance, maging ang kanilang ticket sa mga lumalabag sa batas trapiko at ordinansa ng lungsod at hindi na rin sila pinadadalo sa flag raising ceremony sa City Hall tuwing araw ng Lunes.

Una nang sinabi ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde na maghahain sila ng formal complaint laban kay Teodoro sa DILG.