Inabisuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na manatiling alerto sa mga banta ng posibleng pagputok ng bulkan kasunod ng naobserbahang magma movement sa bulkang Kanlaon at Taal.
Sa isang statement, hinikayat ng ahensiya ang publiko na agad mag-relocate sa evacuation areas tuwing makakatanggap ng abiso mula sa mga lokal na pamahalaan at kanilang emergency rescue at response teams.
Sa kasagsagan naman ng evacuation, umapela ang DILG sa concerned parties na magbigay ng kaukulang tulong sa mga buntis, bata, matatanda at persons with disability (PWD) para matiyak na mailipat sila sa mas ligtas na lugar.
Sa gitna naman ng mga aktibidad ng bulkan, inabisuhan ang publiko na magsuot ng proteksiyon sa mata, takpan ang bunganga at ilong nang dusts masks o kapag kinakailangan gumamit ng basang panyo o tela.
Hinihikayat din ang mga evacuee na iwasan ang pagtungo sa mga lawa at iba pang waterways malapit sa mga lugar kung saan posibleng dumaloy ang lahar.
Kapag kinakailangan, dalhin din ang mga alagang hayop sa ligtas na lugar para maiwasang makalanghap ang mga ito ng abo mula sa bulkan.
Nito ngang gabi ng Biyernes, muling nakapagtala ng phreatic eruption sa bulkang Taal na nagtagal ng 3 minuto.