Ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng mga local government units (LGUs) at sa PNP na magpatupad ng crackdown sa lahat ng mga sumusuway sa quarantine at mahigpit na ipatupad ang health protocols sa lahat ng mga barangay.
Partikular na inatasan ni DILG officer-in-charge (OIC) Bernardo Florece Jr. si Joint Task Force Shield Commander Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag na palakasin ang police visibility at siguruhing nasusunod ang public health standards sa mga lungsod ng Pasay, Malabon, Navotas, maging sa Cebu City at lalawigan ng Cebu na nagtala ng pagtaas sa mga kaso ng COVID-19.
“Naging kampante ang ating mga LGUs maging ang PNP sa enforcement ng ating mga minimum health standards kayat inaatasan ko ang ating mga local officials kasama ang mga barangay at kapulisan na puspusang ipatupad ang basic health protocols sa lahat ng barangay sa ating bansa,” saad ni Florece.
Giit ni Florece, ang pagsusuot ng face mask at face shield, maging ang pagsunod sa physical distancing ay dapat na dapat naipapatupad sa lahat ng oras sa lahat ng mga LGUs.
Dapat din aniyang pagmultahin ang mga pasaway batay sa mga umiiral na ordinansa.
Dagdag pa ng opisyal, kailangan din ang temperature check at pagsagot sa mga contact tracing forms sa lahat ng mga establisyimento at mga workplace.
Ipinag-utos din nito ang deployment ng dagdag na contact tracers sa mga lugar na may tumataas na kaso para tumulong sa mga local contact tracing teams sa pagtukoy sa mga close contact nang sa gayon ay agad silang masuri.
Kaugnay nito, sinabi ng Department of Health na nakikiisa sila sa DILG sa pagpapatupad ng public health standards, lalo pa’t may mga ulat na marami pa rin umano ang naiimpluwensyahan ng mga naglilipanang maling impormasyon sa social media.
Iginiit din ni Dr. Rodley Carza ng Health Promotion Bureau ng DOH ang kahalagahan ng pagtalima sa health protocols, lalo na sa pagsusuot ng face mask at face shield.