Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na siguraduhin na ang muling pagbabalik operasyon ng sabong sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 pababa ay hindi magiging mitsa ng super spreader events ng COVID-19.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang mga gobernador, alkalde, at iba pang mga kinauukulan ay dapat na magsagawa ng sound judgment, kaukulang aksyon, at tiyakin na nasusunod ang mga ipinapatupad na health and safety protocols sa mga sabungan habang nagsasagawa ng cockfighting activities ang mga ito.
Ito ay dahil hindi pa aniya napapanahon upang makampante ang lahat, lalo na’t matas pa ang bilang ng mg kaso ng Omicron variant sa bansa.
Nakasaad sa DILG Memorandum Circular 2022-003 na pinapayagang muli ang pagsasabong sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 pababa basta’t walang pagtutol mula sa mga LGU at mahigpit pa rin na nasusunod ang health protocols na ipinapatupad ng pamahalaan.
Papayagan ang hanggang 50% na maximum venue capacity para sa mga indoor activities at kinakailangang fully vaccinated na ang mga indibidwal na papayagan dito kabilang na ang mga customer at mga empleyado ng naturang establisyimento.
Tanging technology-based platforms at cashless betting lamang din ang papahintulutan sa pagsasabong upang maiwasan ang pisikal na pagpapalitan ng cash sa mga sabungan.
Mahigpit din na ipinapatupad ang “no mask, no entry” policy, at physical distancing sa lugar.
May mga nakatalaga din na mga disinfecting materials para sa hygiene ng patrons, mga empleyado, at bisita tulad na lamang ng alcohol at iba pa.
Inatasan din ang mga lokal na police officers na mag-monitor, mag-inspeksyon sa mga cockpit arenas.
Samantala, nagbabala naman si Año na agad na ipasasara ang mga sabungan sa oras na makitaan ito ng mga paglabag sa mga ipinatutupad na alituntunin ng pamahalaan, habang haharap naman sa mga kaukulang kaparusahan sa ilalim ng batas ang mga opisyal at empleyado nito.