Inatasan na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang pagbabantay sa seguridad sa mga checkpoints at borders ng Lamitan City sa Basilan kasunod ng pagpatay sa ama ng doktor na si Chao-Tiao Yumol na siyang suspek sa pamamaril sa Ateneo noong July 24.
Ayon sa DILG chief, ipinag-utos na nito ang pagpapaigting sa pagbabantay sa mga checkpoints upang hindi makatakas ang suspek sa pagpatay sa retired PNP official na ama ng nakabilanggong si Yumol.
Sa kabila naman ng nangyaring pamamaril sa nakakatandang Yumol, sinabi ni Abalos na ginagawa ng PNP at ng lahat ng police units sa Basilan na mapanatili pa rin ang kapayapaan at kaayusan sa island province.
Si Rolando Yumol ay isang retired police master sergeant na idineklarang dead on arrival ng doktor sa Lamitan District Hospital matapos na magtamo ng apat na tama ng baril mula hindi pa nakikilalang dalawang suspek kahapon, July 29.