Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang PNP na dakpin ang mga nasa likod ng pagbebenta at pagtuturok ng mga pekeng bakuna laban sa COVID-19.
Ang nasabing kautusan ay kasunod ng babala ni Pasig Mayor Vico Sotto sa publiko laban sa pagbili ng mga pekeng bakuna na ibinibenta na umano sa merkado.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni DILG officer-in-charge at Undersecretary Bernardo Florece Jr. na nakatanggap ang kagawaran ng mga ulat na may naglilipa nang mga pekeng COVID-19 vaccines.
Paglalahad pa ni Florece, may mga indibidwal na sinasamantala ang pandemya upang magkapera sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga iligal na bakuna.
Ayon pa sa opisyal, dapat i-monitor ng PNP Aviation Security Group, Maritime Group, at iba pa ang mga air at sea ports upang mapigilan ang pagpasok ng mga ito.
Dapat din aniyang makipag-ugnayan ang mga local government units sa pulisya hinggil sa isyu.
Hinimok din ni Florece ang publiko na ipagbigay-alam sa mga otoridad ang mga indibidwal na sangkot sa ipinagbabawal na kalakalan.