-- Advertisements --

Nagbigay na ng direktiba si Interior Sec. Eduardo Año sa lahat ng mga units ng PNP na imbestigahan ang umano’y nangyayaring mga katiwalian sa distribusyon ng cash assistance sa ilalim ng social amelioration program ng gobyerno.

Ayon kay Año, maliban sa PNP ay hihilingin din nila sa National Bureau of Investigation (NBI) na gawing prayoridad ang pagsiyasat sa mga graft and corruption cases laban sa mga local officials hinggil sa distribusyon ng SAP.

“Greedy and corrupt officials should have no place in the government. They are carriers of a malignant virus that destroys the trust the people gave to them,” saad ni Año sa isang pahayag.

Reaksyon ito ng kalihim matapos ang isang insidente sa Hagonoy, Bulacan kung saan binubulsa umano ng kagawad sa Barangay San Agustin na si Danilo Flores ang P3,500 mula sa P6,500 cash assistance na ipinamamahagi sa mga benepisyaryo ng nasabing lugar.

Sinabi ni Año, hindi dapat pamarisan ang naturang kagawad dahil ang mga public officials pa dapat ang mag-aasiste sa mga mahihirap na pamilya ngayong may kinakaharap ang bansa na krisis.

“Nakakahiya! Ang SAP ay kinuha mula sa kaban ng bayan bilang ayuda sa mga salat sa buhay at walang kabuhayan sa gitna ng COVID-19 crisis. Hindi ito dapat ibulsa ng sinumang opisyal ng lokal na gobyerno,” anang kalihim.

Nagbabala rin si Año na hindi kukunsintihin ang ganitong mga insidente at asahan ang pagpapataw ng parusa sa mga kurakot na mga lokal na opisyal.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni DILG spokesman Usec. Jonathan Malaya na pinagulong na nila ang kanilang mga provincial teams para mangalap ng mga corruption reports sa kanilang nasasakupan.

Hinimok din ni Malaya ng publiko na iulat sa DILG ang mga ginagawang iregularidad ng kanilang mga opisyal.