-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inatasan na ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang unang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagdidiskwalipika kay Albay Governor Noel Rosal.

Dahil dito, inaasahang si Vice Governor Greco Alexandre Lagman ang hahalili sa posisyon bilang gobernador ng Albay.

Matatandaang nagpalabas ng desisyon ang COMELEC en banc na final and executory na ang diskwalipikasyon ng gobernador dahil sa ginawang paglabag nito sa election spending ban.

Ito ay matapos na mamahagi ng cash assistance ang noon ay alkalde ng Legazpi sa mga tricycle drivers sa lungsod kahit pa umiiral na ang spending ban sa panahon ng campaign period.

Sa isinagawang press conference, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex C. Laudiangco sa ngayon ay wala pang ipinapadala na Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema subalit tuloy-tuloy na ang pagpapatupad ng writ of execution.

Ngunit paglilinaw nito na oras na maibaba na ang TRO mula Supreme Court susundin ng Comelec kung ano man ang nakapaloob dito.

Maaari pa rin aniya ang gobernador na maghain ng petition for certiorari sa Korte Suprema sa loob ng 30 araw kahit na-implementa na ang writ of execution.
Sa kabila nito, nananawagan si Laudiangco kay Rosal na bakantihin na ang posisyon at sundin ang desisyon ng Comelec dahil ito ay nararapat lamang.

Samantala, pamamahalaan naman ng Department of Interior and Local Government ang pag-assume ng bagong gobernador ng Albay.

Umaasa si Laudiangco na maisagawa sa lalong madaling panahon ang transition dahil serbisyo-publiko ang nakasalalay.