Pinaiimbestigahan at pinakakasuhan ni Senador Raffy Tulfo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang dating mayor sa Davao del Sur kasama ang kanyang mga tauhan sa salang graft and corrupt practices.
Sa ikinasang pagdinig ng Senate Committee on Public Services, isiniwalat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang nadiskubre na umaabot na sa 1,200 Chinese nationals ang nabigyan ng Filipino birth certificates sa pamamagitan ng late registration sa loob ng termino ng nasabing local chief executive.
Gayunpaman, inamin ng NBI kay Tulfo na hanggang ngayon, wala pa rin silang anumang kasong naisasampa laban sa mga tao mula sa Local Civil Registrar’s Office (LCR) at Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsabwatan sa pagbigay ng Filipino birth certificates sa foreign nationals na nag apply ng late registration.
Dito napikon ang mambabatas at nasabon ang NBI dahil deka-dekada na pala itong nangyayari at wala pa ni isang taong sangkot ang nakasuhan at nakulong.
Pinakakasuhan din ni Sen. Tulfo sa Land Transportation Office (LTO) ang mga dating opsiyal nito, partikular na ang dalawang dating Assistant Secretary at ang mga miyembro ng kanilang Bids and Awards Committee dahil sa maanomalyang pagbili sa alcohol breathalyzers.
Maliwanag aniya na nagkaroon ng anomalya at overpricing sa procurement ng breathalyzers na ang kabuuang halaga ay ₱10.2 million sa 2015 at ₱23.512 million sa 2017. Ang masaklap pa aniya ay napakarami rito ay depektibo.
Samantala, inatasan din ni Tulfo ang Department of Transportation (DOTr) na sampahan ng kaso si dating Transportation Secretary Jun Abaya dahil sa kuwestiyonableng kontrata at pagtanggap ng depektibong Dalian trains na nagkakahalaga ng ₱3.759 billion.