Gumugulong na ang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa umano’y pagkakadawit ng ilang opisyal ng Tarlac sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).
Sa inisyung kautusan mula kay Interior Sec. Benjamin Abalos Jr., bumuo ito ng isang task force para pangunahan ang imbestigasyon sa gawain ng ilang lokal na opisyal na hindi na pinangalanan pa.
Ayon sa kalihim, bubusisiin sa naturang imbestigasyon ang anumang posibleng administrative misconduct o kapabayaan ng mga local official sa kanilang responsibilidad sa ilalim ng Local Government Code at kaugnay pang batas na may kinalaman sa illegal POGO operations.
Binubuo ang nasabing task force ng 6 na abogado at isang engineer na papangunahan ni Atty. Benjamin Zabala Jr., division chief ng Internal Audit Service ng DILG.
Sinabi ni Sec. Abalos na awtorisado din ang naturang task force na makipag-ugnayan sa anumang government departments o ahensiya para sa assistance kung kinakailangan.
Ang hakbang na ito ng DILG ay matapos hilingin ni Senator Sherwin Gatchalian sa ahensiya na siyasatin ang posibleng koneksiyon sa pagitan ni Bamban Mayor Alice Guo at ng kompaniya ng POGO na nag-ooperate sa Tarlac na Zun Yuan Technology Inc.
Matatandaan kasi na noong Marso 13, sinalakay ng kapulisan katuwang ang military operatives at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang naturang POGO firm dahil sa umano’y nagaganap na human trafficking at serious illegal detention sa kanilang mga empleyado.
Nasa kabuuang 868 na POGO workers ang nasagip kabilang na dito ang 371 Pilipino, 427 Chinese, 57 Vietnamese national, 8 Malaysians, 3 Taiwanese, 2 Indonesians at 2 pang Rwandans.
Samantala, mariing itinanggi naman ni Bamban Mayor Guo ang lahat ng alegasyon ng criminal conduct o kakuntiyaba ito sa umano’y iligal na gawain ng Zun Yuan Technology.
Iginiit ng alkalde na hindi ito kailanman nasangkot at hindi kukunsintihin ang heinous crime gaya ng human trafficking, torture, at illegal detention.
Nakahanda rin aniya ang alkalde na sagutin at patunayang walang katotohanan ang lahat ng mga akusasyon laban sa kaniya at bukas din siya sa anumang imbestigasyon na isasagawa ng kinauukulang awtoridad sa proper forum.