Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magkasa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring riot sa Caloocan City Jail kahapon na ikinasawi ng anim na preso habang 33 ang sugatan.
Ayon kay DILG Spokesman USec. Jonathan Malaya, may inilabas nang kautusan si DILG Sec. Eduardo Año kay BJMP Director Allan Iral para bumuo ng Special Investigating Team para siyasatin ang punot dulo ng nangyaring riot.
Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang DILG sa mga naulilang pamilya ng 6 na bilanggo na nasawi matapos ang nanyaring riot
Samantala, magsasagawa na rin ng parallel investigation ang Philippine National Police hinggil sa madugong insidente.
Ayon kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, partikular na kanilang sisilipin ang presensya at kasaysayan ng mga magkakalaban na gang sa loob ng piitan na siyang pinagsimulan ng gulo.
Nakikipag-coordinate na ang PNP sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para tignan ang presenya ng mga “gangs” sa loob ng piitan at sa mga posibleng kontrabando na itinatago ng mga preso.
Samantala, muling nag positibo sa Covid-19 virus si DILG Secretary Eduardo Ano, ito ay base sa statement na inilabas ng kalihim kaninang umaga.
Ayon kay Ano, siya ay asymptomatic at naka isolate na ngayon subalit magpapatuloy pa rin siya sa kaniyang trabaho.